Walang nakikitang mali ang Malacañang sa naging pahayag ni Defense Secretary Gibo Teodoro na dapat magbitiw sa pwesto ang mga elected official na pabor sa posisyon ng China sa mga isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro makaraang sabihin ni Davao 1st District Representative Paolo Duterte na tigilan ng kalihim ang pag-demonize o pagpapasama sa imahe ng China, at umano’y tila pagsasagawa nito ng loyalty check.
Ayon kay Castro, walang mali sa sinabi ni Secretary Gibo, lalo’t pagpapakita ito ng pagmamahal sa bansa.
“Ang pinag-uusapan po natin dito ay mga Pilipino, Pilipino na ang dapat ang puso ay para sa Pilipinas lamang. Hindi pinag-uusapan dito ang loyalty. Lahat tayong mga Pilipino dapat ang puso, ang paninindigan, ang ipaglalaban ay ang bansang Pilipinas lamang.” — Castro.
Mas maganda rin aniya para sa mga mayroong kaparehong pananaw kay Duterte na lumantad na, upang makita ng publiko kung sino ba talaga ang mga tunay na nagmamahal sa bansang Pilipinas.
Aniya, bilang mga Pilipino, dapat ang puso, ang paninindigan, at ang ipinaglalaban ay ang Pilipinas lamang.
“Mas maganda po siguro talaga kung kayo po ay nagpapakita nang katulad na pananaw ni Congressman Pulong Duterte mas magandang lumantad na sila para makita natin kung sino ba talaga ang totoong nagmamahal sa bansang Pilipinas.” — Castro.
Sabi ng opisyal, kung para kay Duterte, dapat pag-usapan ang pagiging tapat ng mga Pilipino sa Pilipinas, nakapagtataka at alarming aniya ito, lalo para sa isang mambabatas na ang loyalty ay tila hindi naka-semento sa Pilipinas.
Pagbibigay diin din ni Castro, ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng Pilipinas sa China, ay ibang usapin sa pag-protekta ng bansa sa interest ng mga Pilipino.
“Ang sabi nga ng Pangulo pagdating sa pagpuprotekta sa ating interes kahit anuman ang ating kulay, kahit magkakaiba ang pananaw sa ibang issues pero ang patungkol sa pagmamahal sa bansa hindi ito pinag-uusapan. Ang mga issues patungkol sa maging magandang relasyon sa bansang China ay iba sa issue ng pagprotekta sa ating interes.” -Castro.