Photo courtesy of Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)
Hinatulan ng isang taong pagkakakulong ang isang indibidwal sa Cebu City dahil sa paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Isagani Nerez, ito ang kauna-unahang drug-linked money laundering conviction sa Central Visayas na nagmula sa anti-illegal drug operations ng PDEA.
Bukod sa pagkakakulong, pinagmulta rin ng Cebu City Regional Trial Court Branch 11 si Marie-Den Sarol Barbecho ng ₱500,000 sa bawat kasong isinampa laban sa kanya.
Nag-ugat ang kaso sa financial investigation ng PDEA Region 7 noong 2023.
Natuklasang nakapagtransaksiyon ang akusado ng mahigit ₱1.7 milyon kahit wala itong lehitimong pinagkukunan ng kita.
Sinabi ni Nerez, na patunay ang hatol sa pinaigting na kampanya ng PDEA laban sa drug trafficking at sa mga pondong nagmumula sa illegal na kalakalan ng droga.