Itinuturing nang “case solved” ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pamamaslang sa Pro-BBM vlogger na si Mima Alicia sa Caloocan City noong July 17.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tatlo sa anim na suspek ang naaresto na ng mga awtoridad.
Naaresto aniya noong July 23 ang gunman at driver at nasampahan na rin ng mga reklamong murder at frustrated murder gayundin ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulations at unlawful acquisition or posession of explosives and incediary devices.
Habang sumuko naman sa mga awtoridad ang middleman sa kaso noong July 24 at tinutugis pa ang dalawang mastermind gayundin ang isa pang middleman.
Mayroon nang lead ang pulisya sa posibleng kinaroroonan ng mga pinaghahanap pang suspek habang nanatiling personal ang motibo at inalis na ang anggulong pulitika bunsod ng trabaho ng vlogger.
Samantala, sinabi ni Nartatez na ang anim na suspek ay minsan na ring nasangkot sa iba’t ibag kaso gayundin ang armas na nakuha sa mga salarin.