Hinikayat ng Team Pinas ang mga kabataan na maging mapanuri at makilahok sa mahahalagang usaping pambansa, kabilang ang isyu ng West Philippine Sea at ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa GenZennial Tour na ginanap sa Mandaluyong College of Science and Technology, mahigit 800 estudyante, youth leaders, at guro ang nakiisa sa serye ng mga talakayan.
Tinalakay sa forum ni Prof. Richard Heydarian ang sitwasyon sa West Philippine Sea at ang epekto nito sa soberanya at seguridad ng bansa, gayundin ang kahalagahan ng tamang impormasyon sa gitna ng mga usaping pambansa.
Sa usapin ng impeachment, hinimok naman ni Atty. Dino de Leon ang publiko na maging mapanuri at huwag umasa sa mga spliced videos at propaganda sa social media, kundi sa mga impormasyon at ebidensyang mapagkakatiwalaan.
Binigyang-diin din sa programa ang mahalagang papel ng kabataan sa nation-building sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok, bolunterismo, at responsableng pakikibahagi sa mga isyu ng lipunan.
Ayon sa Team Pinas, layunin ng GenZennial Tour na mahubog ang mas maraming kabataang mulat, mapanuri, at handang makiisa sa pagpapalakas ng demokrasya at kinabukasan ng bansa.