Hinimok ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre si Vice President Sara Duterte na sagutin sa ilalim ng sumpa (under oath) ang mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa impeachment trial.
Iginiit ni Acidre, na ito ang tamang pagkakataon at venue upang malinis ang kanyang pangalan.
Ayon kay Acidre, ang mga obserbasyon ng COA na nakapaloob sa impeachment case ay bunga ng mismong utos ng Saligang Batas.
Aniya, mas mainam na sagutin ito gamit ang mga ebidensya at malinaw na paliwanag sa halip na atakihin ang proseso ng audit.
Binigyang-diin ng mambabatas, na ang mga usapin kaugnay ng liquidation at paggamit ng confidential funds ay mga bagay na ang Pangalawang Pangulo lamang ang makakapagpaliwanag ng personal.
Ipinaalala rin ng mambabatas, na layunin ng impeachment trial na tiyakin kung nararapat pa ring manatili ang tiwala ng publiko sa isang pampublikong opisyal, kaya’t iba ito sa karaniwang paglilitis sa kasong kriminal.
Aniya, bagama’t may karapatan ang sinuman na huwag tumestigo, natural na mananatili ang mga duda at katanungan ukol sa kaban ng bayan kung hindi ito personal na ipapaliwanag ng opisyal na may direktang kaalaman dito.
Tiniyak din ni Acidre, na protektado ang karapatan ni Duterte sa ilalim ng due process—kabilang ang pagkakaroon ng abogado, karapatang mag-cross-examine, at magprisinta ng sariling ebidensya.