Posibleng paikliin ng prosecution team ang presentation ng mga ebidensya hinggil sa umano’y maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa ₱612.5-milyong confidential and intelligence funds upang mapabilis ang paglilitis sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Manila Representative at Prosecutor Joel Chua, pinag-aaralan ng panel na bawasan ang dami ng mga testigo para sa Article 1, gaya ng ginawa sa Article 4 (grave threats at inciting to sedition).
Binigyang-diin ni Chua, na bagama’t layunin nilang mapaikli ang proseso para sa Article 1, kung saan siya ang nakatoka sa pagprisinta, sisiguraduhin nilang hindi mababawasan ang bigat ng kanilang kaso.
Aniya, target nilang maiprisinta ang lahat ng ebidensya ngayong buwan ng Agosto na sa unang alituntunin ay naglaan ng 31 trial dates para sa Article 1.