Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) na magpatupad ng refund na nagkakahalaga ng mahigit P9.5 bilyon para sa mga konsyumer nito. Ang hakbang na ito ay inaasahang magbibigay ng ginhawa sa milyun-milyong sambahayan na sineserbisyuhan ng distribution utility.
Ayon sa pahayag ni ERC Chair Atty. Francis Saturnino Juan, ang refund ay bunsod ng mas mataas na aktwal na kilowatt-hour sales ng Meralco noong taong 2025 kumpara sa itinakdang benta ng komisyon. Dahil dito, lumaki ang nakolektang revenue o kita ng kumpanya. Nilinaw naman ng ERC Chair na ito ay sanhi ng tinatawag na “over-collection” at hindi “overbilling,” na nag-ugat sa naging pagkaantala sa pagtatakda ng mga bagong distribution rate para sa mga private distribution utilities.
Upang matiyak ang katumpakan at transparency sa implementasyon ng refund, gagamitin ng ERC ang “Actual Weighted Average Tariff (AWAT) true-up mechanism.” Ito ay isang sistema na nagsusuri kung ang distribution rate na siningil sa mga konsyumer ay tugma sa aktwal na kita at benta ng kuryente ng utility. Kung mas mataas ang nakolekta kaysa sa pinayagan, ipatutupad ang refund.
Ang nasabing refund ay ipatutupad sa susunod na billing cycle. Upang madaling makita ng mga konsyumer, ito ay nakatakdang ilagay bilang isang hiwalay na line item sa electricity bill.
Mahigit 8 milyong customer ng Meralco ang makikinabang sa refund rate na P0.5861 bawat kilowatt hour (kWh). Halimbawa, para sa isang pamilya na kumokonsumo ng average na 200 kWh kada buwan, maaari silang makatanggap ng humigit-kumulang P100 na refund. Ang bagong refund na ito ay karagdagan pa sa umiiral na P14.17 bilyong refund na unang ipinatupad noong Abril 2026. ###