Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang police visibility sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang paghahanda sa kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon sa September 14.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga lokal na yunit ng pulisya na dagdagan ang kanilang presensya sa mga komunidad upang makatulong sa pagtiyak ng mapayapa at maayos. na eleksyon.
Sa ngayon ay wala pang namomonitor na anumang banta sa seguridad sa BARMM, habang nananatili ring zero election-related incidents sa rehiyon.
Ayon kay Nartatez, walang puwang ang pagiging kampante sa pagtiyak na ligtas at maayos na makaboboto ang mga residente ng BARMM.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang PNP sa Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad.
Kabilang dito ang pagtukoy sa mga posibleng election hotspots at mahigpit na pagpapatupad ng gun ban upang maiwasan ang pananakot at karahasang may kaugnayan sa halalan.
Nanawagan naman si Nartatez sa mga residente na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang indibidwal o aktibidad na maaaring magbanta sa seguridad ng kanilang mga komunidad. | ulat ni Diane Lear