Iginiit ng Philippine Air Force (PAF) na nananatiling normal ang sitwasyon sa Villamor Air Base sa Pasay City at walang naitatalang paggalaw doon.
Ito ay kasunod ng pag-ugong ng mga alingasngas hinggil sa pagkakaaresto umano kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na wanted ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay Air Force Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, wala sa Villamor Air Base ang mambabatas at wala rin aniyang nakukuhang impormasyon ang PAF kung dadalhin doon ang senador.
Magugunitang sa parehong lugar inilipad si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong inaresto siya sa bisa ng ICC warrant.
Una nang itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP), sa kanilang bahagi, na nahuli ang dating PNP chief.