Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahandaan ng lahat ng concerned agencies, upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, mula sa mga lugar na dadaanan ng Tropical Storm Maymay at habagat.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, sa kasalukuyan, naka-full alert status na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). “Patuloy na ring nagpapatupad ng mga maagap na hakbang ang lahat ng member agencies ng NDRRMC sa paghahanda at pag-iingat upang matiyak ang agarang pagtugon; layunin din nito na mabawasan ang posibleng epekto ng bagyong Maymay at ng pinaigting na habagat.”
Ayon pa sa Palace official, ipinag-utos na rin ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na bahain at prone sa pagguho ng lupa.
Sa Metro Manila naman, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay inihanda na ang kanilang rescue personnel at equipment. “Mayroon na ring coordination ang MMDA sa lahat ng Disaster Risk Reduction and Management Office at sa 17 local government units sa Metro Manila,” pahayag ni Castro.
Handa na rin, ayon kay Usec. Castro, ang mobile pumps at lahat ng 73 pumping stations ay operational na, habang isinasagawa ang pre-emptive pumping upang taasan ang carrying capacity ng mga daluyan ng tubig.
“Ayon sa DSWD sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian, umabot na sa halos ₱1.8 million ang inilaan ng pamahalaan para sa humanitarian assistance sa mga maaapektuhan ng sama ng panahon. Namahagi na rin ang ahensiya ng family food packs, ready-to-eat food items at sleeping kits sa mga lalawigan ng Benguet; La Union; Cagayan; Isabela; Nueva Vizcaya; Albay; at sa Zamboanga City,” anunsyo ni Castro.