Regular na check up sa health center, pansamantalang mawawala para unahin ang mga kaso leptospirosis — Manila LGU
Naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila na pansamantalang walang regular na check-up sa mga health center sa lungsod.
Ito ay para bigyang prayoridad ang kanilang operasyon sa Leptospirosis Lane.
Dahil dito, hinikayat ng Manila LGU ang mga residenteng lumusong sa baha na magtungo sa mga health center upang makakuha ng libreng doxycycline bilang proteksyon laban sa leptospirosis.
Pinapayuhan naman ang mga may ibang karamdaman na magtungo muna sa pinakamalapit na ospital ng lokal na pamahalaan para sa kaukulang konsultasyon at serbisyong medikal.