Malugod na tinanggap ng Motorcycle Taxi Riders Organization (METRO)ang pagbubukas ng registration ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa Provisional Authority to Operate (PAO) ng motorcycle taxi.
Ayon kay METRO Co-Convenor Jason Luna, mahalagang hakbang ito upang opisyal na mairehistro at makilala ang mga lehitimong motorcycle taxi rider na matagal nang isinusulong ang legalisasyon ng industriya.
Sa pamamagitan ng PAO registration, mabibigyan ng patas na pagkakataon ang mga kwalipikadong rider na makabiyahe at kumita ng kabuhayan.
Aniya, makatutulong din ang registration upang mapanatiling ligtas ang serbisyo at mapalakas ang pananagutan ng mga rider sa publiko.
Binigyang-diin din ng METRO ang kahalagahan ng paglilinis ng rider registry kasunod ng mga ulat ng mga umano’y “ghost riders” na nakapasok sa sistema.
Nanawagan ang grupo sa lahat ng motorcycle taxi riders na magparehistro at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo ng LTFRB.