Photo courtesy of FPA
Pormal nang naghain ng kasong kriminal ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) laban sa may-ari ng isang agri trading company sa Cotabato na sangkot sa hindi awtorisadong paggawa ng mga regulated fertilizer products.
Inihain ang reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor laban sa may-ari ng DQB Green Agricultural Products Trading, dahil sa paglabag sa ilang probisyon ng Presidential Decree No. 1144.
Nag-ugat ang reklamo sa isinagawang inspeksyon ng FPA noong February 20 kung saan natuklasang gumagawa at nagre-rebag ng fertilizer ang kumpanya kahit nag-expire na noong Enero ang license to operate nito.
Ayon sa FPA, may lisensya lamang ang naturang kumpanya bilang national distributor, at hindi saklaw nito ang manufacturing, formulation, processing, bulk blending o repacking ng abono.
Una na ring, isinailalim ng FPA sa preventive suspension ang mga lisensya at product registrations ng kumpanya habang nagpapatuloy ang administrative proceedings.
Binigyang-diin naman ni Agriculture Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa pataba para maprotektahan ang mga magsasaka, mamimili, at ang seguridad sa pagkain ng bansa.