Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan
Inihain ni Parañaque City 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang House Bill 9780 o ang National Infrastructure Inspection and Maintenance Act upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga pampublikong proyekto.
Layunin ng nasabing panukala na pigilan ang pag-aaksaya sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga imprastraktura.
Sa ilalim ng panukalang batas, iaatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasagawa ng regular na inspeksyon tuwing ikalima hanggang ikasampung taon matapos mabuo ang isang proyekto.
Ang mga matutukoy na problema sa pagsusuri ang magiging batayan para sa kinakailangang pagkukumpuni, maintenance, o rehabilitasyon.
Upang matiyak ang pagtalima rito, magpapataw ng P50,000 multa sa sinumang haharang o tatangging magpapasok sa gaganaping inspeksyon at maintenance.
Ayon kay Yamsuan, alinsunod ang HB 9780 sa Transparency Portal and Integrity Chain ng administrasyong Marcos Jr. para sa mas malinaw na pagsubaybay sa pondo at progreso ng DPWH.
Inaasahan din nitong mabibigyang-solusyon ang mga karaniwang balakid sa mga proyekto gaya ng usapin sa titulo ng lupa at agawan sa pagmamay-ari.