Kumikilos na ang Anti-Fake News Desk ng Presidential Communications Office (PCO) upang tukuyin ang motibo at mga nasa likod ng pagkalat ng pekeng impormasyon, kaugnay sa umano’y pagkakaaresto kay Senator Ronald dela Rosa.
Una nang sinabi ng Malacañang na tila diversionary tactic ang pagpapalutang ng impormasyon ito, upang anila ay matabunan ang mga isiniwalat ng Commission on Audit (COA) sa milyong pisong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd.
“Atin ding hinihingi ng tulong, hindi lamang sa parte ng gobyerno, kung hindi sa parte na rin ng mainstream media. Inaasahan po kayo ng gobyero na makipagtulungan din po, dahil kung alam natin na ang source ay walang kwentang source, siguro hindi po natin dapat na maging sanhi na rin tayo na ito ay makalat, maraming salamat sa inyong tulong.” — Castro.
Ayon kay Communicationa Usec. Claire Castro, ang lahat ng kumakalat na fake news, tinututukan ng pamahalaan, at hindi tutulugan ng administrasyon.
Titingnan din aniya nila kung ano ang maaaring parusa na maipataw sa mga mapapatunayang nagkaroon ng paglabag sa batas, dahil sa pagpapakalat ng maling balita.
“Tingnan po natin, inaaral pa po kung ano iyong mga naipakalat, kung papaano naipakalat at ano iyong mga mensahe, iyan po ay bubusisiin muna at kapag nakita namin kung ano ang dapat na ipataw, ibibigay po namin sa inyo kung anong kaso ang puwedeng isampa sa kanila. Pero hindi po ito tutulugan ng gobyerno, lahat po ngayon ng fake news, hindi naman ito, talagang pinatutukan na po ng PCO.” —Castro.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na ang pamahalaan, tuloy lamang sa operasyon nito, upang maaresto ang senador sa lalong madaling panahon.