Photo courtesy of Philippine News Agency (PNA)
Isinusulong sa Kamara ang panukalang magbibigay ng ₱12,000 taunang ayuda sa mga pamilyang may minimum wage earner.
Sa ilalim ng House Bill 10648 o Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo (PAMANA) Act, makatatanggap ng ₱1,000 kada buwan ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng PhilSys-linked digital wallet.
Hindi saklaw ng programa ang mga kasalukuyang benepisyaryo ng 4Ps, ngunit maaari namang mag-apply ang mga self-employed at informal workers na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage.
Magagamit lamang ang ayuda sa mga accredited na local MSMEs tulad ng sari-sari store, palengke, karinderya, grocery at botika, at hindi maaaring i-withdraw bilang cash o ipambili ng alak, sigarilyo at online gambling.
Pangangasiwaan ng DSWD ang programa katuwang ang iba pang ahensya upang matiyak na walang dobleng benepisyaryo.
Tinatayang mangangailangan ito ng ₱64 bilyon hanggang ₱68 bilyon kada taon na popondohan sa pamamagitan ng PAMANA Trust Fund.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong matulungan ang mga minimum wage earners na hindi saklaw ng 4Ps habang pinapalakas din ang kabuhayan ng maliliit na negosyo sa mga komunidad.
Kabilang sa may akda ng panukala sina Tingog Party-list Representative Jude Acidre, Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, at Deputy Speakers Janette Garin, Jay Khonghun, Paolo Ortega, at Jayjay Suarez.