Kinukonsidera ng Senate Blue Ribbon Committee na ipaubaya na sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa lahat ng mga alegasyon at kasong may kaugnayan sa flood control scandal.
Ito ang inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Erwin Tulfo matapos ang pakikipagpulong nila ni Senate President Sherwin Gatchalian kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ngayong araw.
Ayon kay Tulfo, layon nitong hindi maantala o maapektuhan ang mga kasong kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Ombudsman, kabilang ang mga isinumite ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Ipinaliwanag ni Tulfo, na pangunahing layunin ng Blue Ribbon Committee ang fact-finding para sa legislation, na naisakatuparan na sa ilang mga panukalang batas na isinulong kasunod ng mga pagdinig sa flood control issue.
Plano ni Sen. Tulfo na pulungin ang kanyang komite kabilang ang majority at minority members, para talakayin ang turnover ng mga dokumento at records ng flood control investigation sa Ombudsman.
Samantala, sinabi ni Tulfo na maglulunsad ang Blue Ribbon Committee ng panibagong imbestigasyon sa ibang usaping may malaking interes sa publiko. Hindi muna niya ibinunyag ang detalye, ngunit nagpahiwatig siyang sangkot dito ang isang mataas na opisyal.