Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga post online mula sa hindi lehitimong website o social media account ng DOH.
Ginawa ang pahayag kasunod ng isang post sa Facebook na nagsasabing hindi umano epektibo at maaaring makapahamak ang bakuna laban sa tigdas at tigdas-hangin.
Ayon sa DOH, ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa tigdas.
Kung magkaroon man anila ng side effect, karaniwan itong banayad lamang, tulad ng lagnat o bahagyang pamamaga sa lugar kung saan itinurok ang bakuna.
Samantala, kung may nabalitaan na may malubhang epekto ang bakuna, nilinaw ng DOH na hindi awtomatikong nangangahulugang bakuna ang sanhi nito at dapat pang alamin ng mga eksperto ang totoong dahilan.
Payo ng DOH sa publiko, mas malaki pa rin ang panganib na dulot ng sakit kaysa sa pagbabakuna laban sa tigdas.