Inihain ni Senador Chiz Escudero ng Senate Bill No. 2387 na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 12232, o ang batas na nagtatakda ng termino ng mga opisyal ng Barangay at SK.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Escudero na mahalagang mapanatili ang katatagan ng pamahalaang barangay dahil ito ang pangunahing unit ng gobyerno sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa komunidad.
Ayon sa senador, ang pagpapahaba ng termino sa limang taon ay magbibigay ng mas sapat na panahon sa mga opisyal para maipatupad ang kanilang mga programa at proyekto, mapanatili ang tuloy-tuloy na pamamahala, at mabawasan ang pagkaantala ng mga programa dulot ng madalas na halalan.
Dagdag pa dito, inaasahang mabibigyan ng pagkakataon ang mga opisyal na higit na pagtuunan ng pansin ang paglilingkod sa publiko kaysa sa paghahanda para sa mga eleksyon.
Sa ilalim ng panukala, layon ding palakasin ang kakayahan ng mga barangay na maisakatuparan ang kanilang mandato sa ilalim ng Local Government Code of 1991 bilang pangunahing unit sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at polisiya ng pamahalaan, gayundin bilang forum para sa pagpapahayag ng saloobin ng mamamayan at mapayapang pagresolba ng mga sigalot sa komunidad. | ulat ni Nimfa Asuncion