Binigyang diin ni Senate Committee on Labor Chairperson Joel Villanueva ang agarang pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) Plan matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ayon sa pinakahuling datos ng PSA, umakyat sa 2.59 milyong Pilipino ang walang trabaho noong June 2026, katumbas ng 4.9% unemployment rate. Mas mataas ito kumpara sa 2.50 milyon o 4.8% noong May at sa 1.95 milyon o 3.7% noong Junr 2025.
Sinabi ni Villanueva na ipinapakita ng mga datos na kailangang pabilisin ang implementasyon ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Aniya, layunin ng batas na magkaroon ng pangmatagalang pambansang estratehiya sa paglikha ng de-kalidad at matatag na trabaho para hindi mapilitang tumanggap ang mga Pilipino ng anumang hanapbuhay na hindi sapat para masuportahan ang kanilang pamilya.
Ayon pa kay Villanueva, ang mataas na gastos sa pagnenegosyo ang isa sa mga dahilan ng mabagal na paglikha ng trabaho. Kabilang dito ang mataas na presyo ng langis, system loss charges sa kuryente na ipinapasa sa mga konsyumer, at red tape sa supply chain.
Dahil dito, hinimok niya ang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na pabilisin ang pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan Plan sa lahat ng rehiyon at palakasin ang koordinasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang kaugnay na ahensya.
Ayon kay Villanueva, kinakailangang agad matulungan ang mga sektor na nawawalan ng trabaho upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng disenteng hanapbuhay, sapat na kita at mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya. | ulat ni Nimfa Asuncion