Laya na ang sampung nagpakilalang dating bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co matapos arestuhin ng Las Piñas City Police Station sa loob mismo ng Hall of Justice sa Las Piñas City kaugnay ng kinakaharap nilang mga kasong perjury.
Ngayong araw ng Sabado, Agosto 8, banda 12:30pm, naproseso ang pagpiyansa ng nalalabing dating marine personnel at ex-bodyguards sa Las Piñas Regional Trial Court na nasa kustodiya ng Las Piñas Police Station.
Ito ay matapos ang pag-aresto bandang 5:45 ng hapon kahapon, Agosto 7 sa City Hall Compound matapos pagsilbihan ng warrant of arrest ang mga ito.
Ang sampu ay kabilang sa 14 na respondent na nahaharap sa apat na bilang ng perjury batay sa mga kasong kriminal na inilabas ng RTC Branch 202 ng Las Piñas City.
Nagtungo umano sa Hall of Justice ang mga akusado upang magpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan. Gayunman, hindi natapos ang proseso bago magsara ang hukuman kaya agad na naisilbi ang mga warrant sa sampu at pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng pulisya.