On-track pa rin ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) sa pagkamit ng target nitong 3.5% hanggang 4.5% na Gross Domestic Product (GDP) o paglago ng ekonomiya ngayong taong 2026.
Ito ang tiniyak ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan matapos maitala ang 2.3% GDP growth sa ikalawang quarter ng taong 2026, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kabilang sa mga top contributor sa naitalang paglago ng ekonomiya ng bansa ang sektor ng edukasyon na nakaambag ng 12.7%, wholesale, retail trade and repair of motor vehicles and motorcycles na may ambag na 4.6%, at ang manufacturing sector na may 2.6% naman.
Sa major economic sectors naman, lumago ang Agriculture sector ng 2.7%, habang ang Services sector naman ay lumago ng 4.5%.
Samantala, nakapagtala naman ng -2.4% na paglago ang Industry sector sa parehong panahon.
Ayon kay Sec. Balisacan, pansamantala lamang ang pagbagal ng ekonomiya, kung saan isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang epekto ng tensiyon sa Gitnang Silangan at ang pagbaba ng bilang ng public construction bunsod naman ng anomalya sa flood control projects.
Target din ng pamahalaan na makapagtala ng 4.4% na GDP growth sa 3rd at 4th quarter ng 2026 para makamit ang target na paglago ng ekonomiya.
Kumpiyansa ang pamahalaan na maaabot ang target na ito, lalo’t bumababa na ang inflation rate ng bansa, patuloy ang pagbuhos ng public investments, at lumalaki pa ang tiwala ng mga mamimili at negosyo. Lumakas din ang exports ng bansa na nagpaigting pa sa trade balance at economic prosperity ng bansa.