Photo courtesy of PHILVOCS
Patuloy na nakapagtatala ng bahagyang aktibidad ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon, matapos maitala ng PHIVOLCS ang anim na volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras, batay sa pinakahuling ulat nito ngayong Agosto 8, 2026.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, nasa 50 tonelada kada araw ang sulfur dioxide (SO₂) emission ng Bulkang Bulusan, batay sa huling sukat noong Hulyo 21, 2026. Hindi naman matukoy ang plume o steaming activity dahil natatakpan ng ulap ang tuktok ng bulkan.
Nakapagtala rin ang ahensya ng panandaliang pamamaga o ground deformation sa bulkan.
Nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang status ng bulkan, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulkang Bulusan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibilidad ng biglaang pagputok. Ayon sa PHIVOLCS, maaari pa ring magkaroon ng biglaang steam-driven o phreatic eruption kahit nasa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan.