Hinikayat ng Motorcycle Taxi Riders Organization ang lahat ng motorcycle taxi riders na samantalahin ang registration para sa Provisional Authority to Operate ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ayon kay METRO Co-Convenor Jason Luna, mahalagang makapagparehistro ang mga rider upang matukoy ang mga kuwalipikadong maaaring mabigyan ng PAO at maging bahagi ng opisyal na talaan ng mga lehitimong motorcycle taxi rider.
Sinabi niyang makatutulong din ang hakbang upang maiwasan ang pagpasok ng mga umano’y “ghost riders” sa system.
Dagdag pa ni Luna, ang maayos na registration ay isa sa mahahalagang hakbang para maisulong ang legalisasyon ng motorcycle taxi industry.
Sa oras na mabigyan ng PAO, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong rider na legal na makabiyahe at makapaghanapbuhay.
Iginiit din ng METRO na makatutulong ang registration sa pagpapanatili ng ligtas at mas responsableng serbisyo para sa mga pasahero. Nauna nang ipinahayag ng METRO ang suporta nito sa pagbubukas ng LTFRB ng registration para sa PAO ng motorcycle taxi bilang mahalagang hakbang sa pagsasaayos ng industriya.