Itinuring ng Bantay Senado na isa sa pinakamalakas na anggulo sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang umano’y paggamit ng confidential funds.
Sa Saturday News Forum, binanggit ni Bantay Senado Co-Convenor Atty. Dino De Leon ang mga testimonya sa Senate impeachment trial kaugnay ng umano’y kawalan ng supporting documents sa ilang disbursement ng confidential funds.
Ayon kay De Leon, may pananagutan ang head of agency sa pag-apruba at pagsubaybay sa paggamit ng confidential funds, alinsunod sa mga alituntunin.
Iginiit din niya na dapat sundan ang money trail upang matukoy kung saan napunta ang pondo ng gobyerno.
Samantala, sinabi ng abogado na hindi umano napahina ng depensa ang mga testimonya ng ilang unang testigo ng prosecution, kabilang ang mga kaugnay sa confidential funds at obserbasyon ng Commission on Audit. Mahalaga aniya ang mga testimonya sa pagtatasa kung may sapat na ebidensya para sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.