Tahasan hinamon ni NBI Director Melvin Matibag si dating Congressman Jing Paras na itanggi kung wala siyang anumang ugnayan kay Alyas “Ken,” na inaresto sa kasong human trafficking.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Matibag na maaaring magbigay ng sagot si Paras, kahit sa social media, upang linawin ang isyu.
Sinampahan ng reklamong human trafficking si Alyas “Ken” matapos ma-rescue ng NBI ang limang babae sa isang operasyon sa isang hotel sa Maynila.
Ayon kay Matibag, hindi dumalo si Paras sa pagpapatawag ng NBI para magbigay-linaw sa human trafficking case at sa umano’y “honeytrap plot” laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Sa imbestigasyon ng NBI, sinabi umano ni Alyas “Ken” na si Paras ang nasa likod ng umano’y character assassination kay Recto. Iniugnay rin umano sa pagpopondo rito si Batangas First District Congressman Leandro Leviste.
Samantala, kinumpirma ni Matibag na nakilala na ng NBI ang apat na abogado na umano’y sangkot sa pagtatangkang iugnay sa akusasyon si Recto. Pinapatawag na ang mga ito sa Biyernes para sa pre-investigation.