Ilang biyahe ng mga barko at fastcraft sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang kanselado ngayong Sabado, Agosto 8, bunsod ng masamang lagay ng panahon na dulot ng Southwest Monsoon o habagat.
Ayon sa Philippine Ports Authority o PPA, kabilang sa mga apektado ang mga ruta mula Batangas patungong Puerto Galera, Odiongan, at Sibuyan. Kanselado rin ang lahat ng fastcraft vessels sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro.
Sa Occidental Mindoro, hindi rin makabibiyahe ang MV Saint Augustine de Ubon mula San Jose patungong Semirara, Caluya, at Libertad, habang ipinatutupad naman ang no sail policy sa Lubang.
Sa Bohol, suspendido ang biyahe ng Sunriser II mula Getafe patungong Cordova, Cebu. Kanselado rin ang ilang biyahe sa Palawan, kabilang ang mga sasakyang pandagat na 35 gross tons pababa sa Cuyo at ang MV D’ Asean Journey mula Puerto Princesa patungong Cuyo.
Apektado rin ang ruta ng MV Oceanjet 88 na bumibiyahe sa Cebu, Maasin, at Surigao. Paalala ng PPA, hindi ito direktang nagkakansela ng mga biyahe. Awtomatikong nasususpinde ang mga ito kapag nagpatupad ng no sail policy ang Philippine Coast Guard (PCG) o kung magpasya ang shipping lines para sa kaligtasan ng mga pasahero at tripulante. Patuloy namang pinapayuhan ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kanilang shipping company para sa pinakabagong anunsyo ukol sa kanilang mga biyahe.