Nakaantabay na ang mahigit limang milyong family food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa posibleng epekto ng mga weather disturbance na binabantayan ng PAGASA.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 805,000 food packs ang nakaimbak sa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay.
Higit 475,000 naman ang nasa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue, at mahigit 196,000 sa Mindanao Disaster Resource Center sa Butuan.
Mayroon ding mahigit ₱1.6 bilyong standby funds na nakalaan para sa disaster response operations, bukod sa mga Quick Response Team at kagamitang tulad ng mobile command center, mobile kitchen, water trucks, at water treatment units.
Sinabi ni Dumlao na patuloy ang koordinasyon ng lahat ng field offices sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong kung kinakailangan. Samantala, ayon sa DOST-PAGASA, 2:00 AM ngayong August 9, dalawang tropical depression ang binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility, habang ang Typhoon “Dolphin” ay nasa loob ng Tropical Cyclone Information Domain.