Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon matapos maitala ang patuloy na aktibidad nito sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) bulletin ngayong August 9, 2026.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, umabot sa 3.8 kilometro ang lava flow sa Basud gully, 3.2 kilometro sa Bonga gully, at 2.7 kilometro sa Mi-isi gully. Naitala rin ang 10 volcanic earthquakes at siyam na rockfall signals, habang patuloy na namataan ang katamtamang pagbuga ng usok na napadpad sa silangan-hilagang-silangan.
Umabot naman sa 2,857 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission ng bulkan noong August 8. Patuloy rin ang pamamaga o ground deformation ng bulkan, partikular sa timog-kanlurang bahagi, habang hindi matanaw ang crater glow dahil sa ulap.
Sa ilalim ng Alert Level 2, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan. Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng biglaang steam o phreatic explosions, rockfall, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.