Patuloy na nadaragdagan ang mga kanseladong biyahe sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa epekto ng habagat na pinalalakas ng Bagyong Dolphin na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Ports Authority o PPA gabi ng Agosto 8, suspendido ang mga biyahe sa ilang pantalan sa Batangas, Bicol, Mindoro, Masbate, Palawan, Panay, Guimaras, Bohol at iba pang bahagi ng bansa. Kabilang sa mga apektado ang mga rutang patungong Romblon, Caticlan, Coron, Masbate, at ilang isla sa Visayas at Mimaropa.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG), mula 4:00 hanggang 8:00 ng gabi, umabot na sa 437 pasahero, truck driver at cargo helper ang na-stranded sa 20 pantalan sa Western Visayas, Bicol at Southern Tagalog. Naitala rin ang 126 rolling cargoes at siyam na sasakyang-pandagat na hindi makabiyahe, habang 12 barko, anim na tugboat at tatlong barge ang pansamantalang sumisilong dahil sa masamang lagay ng panahon. Patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga biyahero at operator ng barko na bantayan ang mga weather at maritime advisories habang nananatiling masungit ang karagatan dulot ng habagat.