Itinutulak ni Senate Labor Committee Chairman Senador Joel Villanueva ang isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng malinaw na legal framework ang part-time employment at tiyaking makatatanggap ang mga part-time worker ng mga karapatan at benepisyong nakukuha ng kanilang full-time counterparts.
Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 2375 o ang proposed Part-Time Employment Act, na naglalayong magdagdag ng bagong probisyon sa Labor Code para pormal na tukuyin ang part-time work at maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang nasa ganitong employment arrangement.
Ayon sa senador, kailangan ang isang malinaw na batas dahil walang partikular na probisyon ang Labor Code na direktang namamahala sa part-time employment.
Dagdag ng mambabatas, lalo pang tumataas ang pangangailangan para sa flexible work arrangements dahil sa pag-unlad ng teknolohiya at pagbabago ng mga business model, habang nananatiling nakasentro ang kasalukuyang labor laws sa tradisyunal na walong oras na trabaho.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang part-time employees ng mga karapatang katumbas ng kanilang comparable full-time workers.
Kabilang dito ang sahod na kakalkulahin nang proportional kada oras pero hindi dapat mas mababa sa itinakdang minimum wage; mandatory social protection sa ilalim ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG; security of tenure; statutory leave benefits;retirement pay; at karapatang bumuo o sumali sa mga labor organization at makilahok sa collective bargaining. | ulat ni Nimfa Asuncion