Pinangunahan ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo, Chairperson ng komite, ang pagdinig ngayong araw para talakayin ang mga panukala na may kaugnayan sa income tax exemption.
Ayon kay Quimbo, hindi maaaring ipagpaliban ang pagdinig dahil papasok na ang budget season at maaaring maantala ang proseso kung hindi ito matutuloy.
Nasa 30 panukala ang inihain para mapalawak ang income tax exemption threshold kasunod na rin ng panawagan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., noong kaniyang SONA.
Kabilang dito ang House Bill 10345 ni Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Sa pagdinig sinabi ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na maaaring pumalo sa ₱68 billion hanggang ₱75 billion ang magiging revenue loss kada taon depende sa bersyon ng panukala na maaaprubahan.
Paliwanag ni Adriano, mas mataas ang revenue loss sa panukalang income tax exemption ng Department of Finance kung saan itataas sa ₱350,000 ang income tax exemption threshold at ang susunod na bracket ay aayusin sa ₱350,000 hanggang ₱450,000.
Habang ₱68.6 bilyon naman kada taon ang mawawalang kita ng gobyerno sa panukala nina Speaker Dy at Majority Leader Marcos kung saan hindi ina-adjust sa ₱450,000 ang ikalawang income bracket.
Sabi ng opisyal, ibinatay nila ang adjustment sa cumulative inflation mula nang itakda ang ₱250,000 threshold noong 2018.
Tinatayang makapagbibigay ito ng exemption sa karagdagang hindi bababa sa 1.2 milyong taxpayers at makikinabang naman ang kabuuang 3.13 milyong taxpayers.
Maaaring makatipid ng hanggang ₱17,500 kada taon ang taxpayers depende sa income bracket.