Handang gamitin ng House prosecution ang mismong kopya ng Office of the Vice President (OVP) ng liquidation reports para mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., ang mga dokumentong kinukuwestiyon ng depensa ay nagmula mismo sa OVP at isinumite sa Commission on Audit (COA).
Aniya, kung may pagdududa ang depensa sa authenticity ng kopya ng prosecution, maaari namang gamitin ang kopya mismo ng depensa.
Iminungkahi ni Tolosa na paghambingin muna ng dalawang panig ang kanilang mga dokumento upang matukoy kung alin ang magkakapareho.
Kapag napagkasunduan ang common documents, hindi na kailangang paulit-ulit na patunayan sa korte ang authenticity ng mga ito bago talakayin ng mga testigo ang kanilang nilalaman.
Mahalaga umano ito dahil libo-libo ang documentary exhibits na nakalap ng dalawang panig para sa Article I ng impeachment case.
Gayunman, sinabi ni Tolosa na kung walang magkakasundong dokumento, handa pa rin ang prosecution na i-authenticate ang mga ebidensya sa open court, ngunit maaaring mas matagal ang magiging paglilitis.