House Speaker Faustino Bojie Dy III
Sisiguraduhin ng Kamara, sa ilalim ng Bagong Kongreso, na ang bawat pisong nakapaloob sa 2027 National Expenditure Program ng pamahalaan ay may konkretong pakinabang at mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, hindi lamang halaga ng pondo ang susuriin ng Kamara, kundi kung saan ito mapupunta, paano gagamitin, at ano ang konkretong resulta nito para sa sambayanan.
Kabilang sa mga dapat maging batayan ng budget priorities ang pangangailangan sa mas abot-kayang pagkain, maayos na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, suporta sa mga magsasaka, at disenteng trabaho.
Tinuran din niya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawat pisong maililigtas mula sa aksaya, maling paggasta, at katiwalian ay maaaring ilaan sa mga serbisyong direktang kailangan ng mga Pilipino.
Aniya, ang magiging sukatan ng 2027 budget ay simple: isang budget na tunay na para sa tao at tunay na nararamdaman ng tao.