Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naniniwala si Senador Chiz Escudero na makatutulong ang pagbabago sa liderato ng Department of Health (DOH) upang magkaroon ng mas malinaw at matatag na direksyon ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Program sa bansa.
Malugod na tinanggap ni Escudero ang pagkakatalaga kay Dr. Edwin Mercado bilang bagong Kalihim ng DOH, na aniya’y makatutulong upang maresolba ang mga isyu sa liderato ng ahensya na maaaring makaapekto sa tuloy-tuloy na implementasyon ng UHC.
Kasabay nito, ikinalugod din ng senador ang pagkakatalaga kay Dr. Beverly Ho bilang bagong President at Chief Executive Officer (CEO) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Escudero, makapagbibigay ng dagdag na lakas sa mga reporma sa ilalim ng UHC Program ang pagkakaroon ng bagong liderato sa PhilHealth.
Aniya, may sapat na karanasan si Ho sa public health at pamamahala upang maipagpatuloy ang mga repormang kailangan ng sistemang pangkalusugan.
Sa pagkakatalaga ng bagong Health Secretary, sinabi ni Escudero na maaari nang muling ituon ng DOH ang pansin sa pagpapalakas ng UHC, partikular sa pagpapalawak ng PhilHealth coverage at pagpapabuti ng access sa mga serbisyong pangkalusugan sa mga pampubliko at pribadong pasilidad.