Senate of the Philippines
Suportado ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang pagkakatalaga kina Dr. Edwin Mercado bilang bagong Kalihim ng Department of Health (DOH) at Dr. Beverly Ho bilang bagong President at Chief Executive Officer (CEO) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Ejercito, umaasa siyang magagamit ni Mercado ang kanyang malawak na karanasan bilang doktor at healthcare executive upang higit pang maisulong ang mga reporma sa sektor ng kalusugan.
Aniya, napapanahon ang pag-upo ni Mercado sa DOH dahil marami pang kailangang gawin upang mapalakas at mapahusay ang mga umiiral na reporma sa sistemang pangkalusugan sa bansa.
Samantala, sinabi ni Ejercito na nagkaroon na siya ng pagkakataong makatrabaho si Ho sa pagbuo ng Universal Health Care (UHC) Law, kung saan nasaksihan niya ang dedikasyon nito sa pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Ejercito na marami pa ring kailangang tugunan upang matiyak ang mas abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Kabilang dito ang pagpapalawak ng Zero Balance Billing, pagpapahusay ng mga benepisyo at package ng PhilHealth, at pagpapataas ng bahagi ng PhilHealth sa pagsagot sa mga gastusing medikal sa mga ospital.
Umaasa si Ejercito na sa pamumuno nina Mercado at Ho sa DOH at PhilHealth ay mas maisusulong ang layunin ng UHC Law na mabigyan ang lahat ng Pilipino ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Inihayag din ng senador na inaasahan niya ang pakikipagtulungan kina Mercado at Ho sa planong pagsusuri sa implementasyon ng UHC Law, lalo na’t papalapit na ang ika-10 anibersaryo nito.