Pormal nang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang P7.2-trillion National Expenditure Program (NEP) para sa fiscal year 2027.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iniharap ni DBM Secretary Kim de Leon ang pambansang badyet sa Pangulo sa isang pagpupulong sa Malacañang ngayong Lunes.
Bitbit ng 2027 NEP ang temang “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future,” kung saan pangunahing bibigyang-pansin ang mga sumusunod na sektor:
- Edukasyon
- Kalusugan
- Kabuhayan
- Pambansang Seguridad
- Pagpapalakas ng mga Komunidad
Inihayag ni Castro na layunin ng panukalang badyet na mas mapakinabangan ang pondo ng bayan sa pamamagitan ng pagpapabuti sa mga serbisyo ng gobyerno at pagpapalawak ng oportunidad para sa mamamayang Pilipino.
Ang NEP ang nagsisilbing opisyal na plano ng paggasta ng ehekutibo na siyang magiging batayan ng General Appropriations Bill (GAB). Ito ang susuriin, idedebatehan, at aaprubahan ng Kongreso upang maging ganap na batas.
Nakatakdang pormal na isumite ng DBM ang panukalang pambansang badyet sa Kongreso ngayong Martes para sa pagsisimula ng proseso ng lehislasyon.