Hinimok ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko na manatiling alerto at mag-ingat sa kabila ng inaasahang pagbuti ng panahon ngayong linggo, matapos ang ilang araw na matitinding pag-ulan na dulot ng iba’t ibang weather system.
Sa isang press briefing sa Malacañang noong Lunes, inihayag ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando na inaasahang unti-unting bubuti ang lagay ng panahon simula ngayong Martes.
“Pinapayuhan natin ang ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa lugar na naapektuhan ng mga nakaraang pag-ulan, na maging alerto at hangga’t maaari ay umasa lamang sa mga opisyal na abiso mula sa pamahalaan,” pahayag ni Servando.
Batay sa datos ng PAGASA, ang Lungsod ng Baguio ang nakapagtala ng pinakamataas na dami ng ulan na umabot sa 1,413 millimeters (mm) simula Agosto 1 hanggang 9. Ayon kay Servando, katumbas na ito ng humigit-kumulang isa’t kalahatings buwan na buhos ng ulan, kung saan ang karaniwang buwanang average sa lugar tuwing Agosto ay nasa 963 mm lamang.
Tumataginting ding pag-ulan ang naranasan sa mga lalawigan ng Zambales at Pangasinan.
Sa isang mensahe sa Viber sa Philippine News Agency, sinabi ni Servando na ang istasyon ng PAGASA sa Iba, Zambales ay nakapagtala ng 957.6 mm ng ulan mula Agosto 1 hanggang 9—na lumampas sa normal na 929.1 mm na naitala sa nasabing lugar.
“Halos isang buwang dami ng ulan ang ibinuhos sa loob lamang ng siyam na araw,” ani Servando.
Sa unang siyam na araw ng Agosto, ang istasyon sa Dagupan, Pangasinan ay nakapagtala naman ng 576.3 mm ng ulan, malapit na sa buwanang average nito na 619.5 mm para sa buong buwan ng Agosto.