Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng BPO Industry Employees’ Network (BIEN) Pilipinas na kailangan munang pag-aralan kung anu-ano bang uri ng trabaho ang maaaring ibunga ng implementasyon ng Pax Silica Initiative dito sa Pilipinas.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni BIEN Pilipinas Secretary General Renso Bajala na isa ang job creation sa mga aspekto na kanilang tiningnan kung bakit tinututulan ng kanilang grupo ang naturang inisyatiba.
Aniya, bukod pa ito sa sa tanong kung ang mga trabahong ito ay makapagbibigay ng living wage o nakabubuhay ng sahod.
Matatandaan na kasalukuyang isinusulong ng BIEN Pilipinas ang living wage na PhP36,000 kada buwan o PhP1,200 kada araw.
Ayon kay Bajala, sa ngayon ay may pagkakaiba pa rin ang sahod sa Kamaynilaan at sa mga probinsya dito sa Pilipinas — kung saan nagkaroon pa ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa PhP85 na wage increase sa National Capital Region (NCR).
Dagdag niya, mahalagang tingnan kung gaano ka-secure ang mga trabahong malilikha sa ilalim ng Pax Silica Initiative, gaya na lamang sa sektor ng konstruksyon.
Ipinunto rin ni Bajala ang isyu kaugnay ng mga magsasaka na posibleng ma-displace mula roon sa lugar na pagtatayuan ng mga pasilidad.
Aniya, mayroon ding pangamba ng job displacement sa inaasahang pag-usbong ng artificial intelligence (AI) sa ilalim ng Pax Silica Initiative.