Umabot na sa P42.87 milyong halaga ng tulong at relief assistance ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan ng pinaiting na habagat at ng mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) ngayong Lunes.
Sa isang press briefing sa Malacañang, inihayag ni OCD Assistant Secretary Laurence Mina na nagmula ang tulong sa pagtutulungan ng OCD, Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga lokal na pamahalaan (LGU), at iba pang katuwang na ahensya. Nakarating na ang assistance sa iba’t ibang rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR), Regions 1, 2, 3, 5, 6, 9, Cordillera Administrative Region (CAR), Calabarzon, at Mimaropa.
Batay sa pinakabagong tala nitong Lunes ng umaga, pumalo na sa 384,520 pamilya o humigit-kumulang 1.31 milyong indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon.
Sa kasalukuyan, may 16,130 pamilya (58,650 indibidwal) ang nananatili sa 624 na evacuation center, habang 11,360 pamilya (39,290 indibidwal) naman ang temporaryong nakikitira sa labas ng mga pampublikong silungan.
Inihayag din ng opisyal na naitala ang 367 nasirang bahay sa Regions 1, 6, CAR, Calabarzon, at Mimaropa — kung saan 27 dito ang totally damaged at 340 ang partially damaged.
Samantala, umabot na sa 12 ang naiulat na nasawi, 8 ang nawawala, at 11 ang sugatan sa Region 1, CAR, at Calabarzon. Paglilinaw ni Mina, kasalukuyan pang isinasailalim sa beripikasyon ang mga naturang bilang.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR), tuloy-tuloy ang pamamahagi ng food at non-food items na nagkakahalaga ng PhP1.67 milyon. Isinasagawa rin doon ang search and rescue (SAR) operations sa Atok, Benguet at Guisad Surong, Baguio City sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Department of Public Works and Highways (DPWH).