Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na matagumpay ang mga isinasagawa nitong information campaign tuwing may mayroong kalamidad, gaya na lamang ng mga bagyo at hagupit ng hanging Habagat.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na kahit may mga naitatalang lakas ng alon nitong mga nagdaang linggo ay nag-iisa lamang ang natanggap nilang ulat — kung saan nagsagawa ng search and rescue operations para sa isang mangingisda sa Laoag, Ilocos Norte.
Ani Commodore Cayabyab, patuloy ang pagbibigay-paalala ng PCG sa ating mga kababayan na huwag nang piliting maglayag tuwing may sama ng panahon para na rin sa kaligtasan parehas ng mga mangingisda at ng mga responder.
Ayon sa PCG spokesperson, maganda ang naging suporta ng mga Pilipino sa kanilang information campaign kaya naman wala gaaanong naitatala na insidente maliban na lamang sa mga isinasagawang pre-emptive evacuation sa iba’t ibang dako ng bansa.
Samantala, ibinahagi naman ni Commodore Cayabyab na masasabing sapat ang mga tauhan at floating assets ng PCG na kasalukuyang tumutugon ngayong patuloy pa rin ang mga pag-ulan.
Aniya, hindi naman nag-iisa ang PCG sa pagresponde dahil patuloy na pinaiiral ng pamahalaan ang whole-of-government approach.
Halimbawa na lamang dito ang pakikipagtulungan ng PCG sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) pagdating sa relief operations.