Inilatag na ng Department of Agriculture (DA) ang tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at enhanced Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa DA, may nakahanda na itong ₱110.5 milyon halaga ng agricultural inputs gaya ng rice, corn, at vegetable seeds.
Bukod dito, maglalaan ang National Food Authority (NFA) ng 600 bags ng palay-milled rice para sa mga apektadong local government units (LGUs), partikular sa Ilocos Province.
Nakaantabay rin ang Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at indemnification sa mga insured farmers na naapektuhan ng kalamidad.
Mino-monitor din ng DA ang presyo at galaw ng mga agricultural commodities para matiyak ang sapat na suplay at maiwasan ang pagsipa ng presyo.
Batay sa report ng DA-DRRM, umabit na sa ₱197.2 milyon ang halaga ng pinsala at production losses sa sektor ng agrikultura dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Aabot na rin sa 7,989 magsasaka sa anim na rehiyon ang apektado, habang umakyat sa 29,592 ektarya ng agricultural areas ang napinsala at 5,515 metric tons ang production losses.