Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na magbukas ng mga fast lane para sa mga posibleng kaso ng leptospirosis at dengue sa gitna ng banta ng pagtaas ng mga nakahahawang sakit matapos ang pananalasa ng masamang panahon sa bansa.
Sa isang press briefing sa Malacañang, kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakataas na ang alerto ng DOH sa mga lugar na naging biktima ng kalamidad.
“Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakabantay na rin ngayon ang Department of Health sa iba’t ibang lugar upang tutukan ang kalusugan ng mga residenteng apektado ng sama ng panahon,” pahayag ni Castro.
Ayon kay Castro, partikular na ipinapatupad ng DOH ang directive ng Punong Ekutibo sa pamamagitan ng pagpapagana ng leptospirosis at dengue fast lanes sa lahat ng kanilang mga ospital at Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers upang agad na maasikaso ang mga pasyente.
Nais ng Pangulo na tiyaking handa ang pasilidad ng mga pampublikong ospital sakaling magkaroon ng biglang pagdami o surge ng mga maysakit sa mga apektadong komunidad.
Bukod sa mga fast lane, nakahanda na rin ang probisyon para sa mga local government unit (LGU) at evacuation centers:
- Health Emergency Response Teams: Handa nang i-deploy sa mga evacuation center para sa agarang medikal na tulong.
- Sapat na Suplay ng Gamot at Kits: Titiyaking may sapat na distribusyon ng chlorine tablets, malinis na inuming tubig, doxycycline (kontra-leptospirosis), hygiene kits, at micronutrient supplements.
- Seguridad ng Health Workers: Inatasan ang DOH na tiyakin ang kaligtasan ng mga barangay health worker na patuloy na naglilingkod sa mga bahaing lugar.
- Human Milk Bank: Tiniyak ng DOH na sapat ang suplay ng breast milk sa mga ospital para sa mga bagong-silang na sanggol sa gitna ng emergency.
Naglaan din ang pamahalaan ng kabuuang ₱44 milyon para sa health emergency commodities at response supplies ng DOH. Nakatakda itong ipamahagi sa mga pangunahing rehiyong naapektuhan ng masamang panahon, kabilang ang:
- Rehiyon I (Ilocos Region)
- Rehiyon II (Cagayan Valley)
- Rehiyon III (Central Luzon)
- Rehiyon IV-A (CALABARZON)
- Rehiyon IV-B (MIMAROPA)
- Rehiyon V (Bicol Region)
Binigyang-diin ni Castro na patuloy na nakatutok si Pangulong Marcos upang tiyaking mabilis at sapat ang pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayang apektado ng kalamidad.