Nakakuha ang Pilipinas ng panibagong $600 milyong grant o tinatayang ₱36.95 bilyon mula sa Estados Unidos upang palakasin ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan.
Ang tulong-pinansyal ay napagkasunduan sa ilalim ng Strategic Objective Agreement (SOAG) for Integrated and Sustainable Health Systems in the Philippines sa pangunguna ng Department of Finance (DOF).
Ang nasabing proyekto ay nakatakdang ipatupad ng Department of Health (DOH).
Layon ng kasunduan na makabuo ng isang integrated, sustainable, at self-reliant na sistemang sa pagpapalakas ng health security, pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyong medikal, at kakayahang tumugon sa mga nakakahawang sakit.
Susuportahan nito ang mga prayoridad na programang pangkalusugan tulad ng pagtugon sa Human Immunodeficiency Virus (HIV), tuberculosis (TB), neglected tropical diseases (NTDs), at maternal, newborn, and child health (MNCH).
Layon din nitong palakasin ang bilateral kooperasyon ng Pilipinas at US sa global health security.
Ang grant ay tulong at walang obligasyong bayaran ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Finance Secretary Frederick Go ang kahalagahan ng proyektong ito para sa mamamayang Pilipino.
Aniya, nagpapatibay ito sa commitment ng administrasyong Marcos Jr. na palawakin ang access ng bawat Pilipino sa de-kalidad na serbisyong medikal.