Kumikilos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na sa mga lugar na matinding sinalanta ng pagbaha dulot ng walang patid na pag-ulang dala ng Habagat.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson, Colonel Francel Margareth Padilla na naka-standby ang kanilang mga disaster response equipment para tumugon sa mga apektado ng masamang panahon.
Tiniyak ni Padilla na may sapat na mga tauhan ang Army, Navy at Air Force na rumesponde sa iba’t ibang bahagi ng bansa na higit na nangangailangan ng kanilang puwersa para umalalay sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bukod sa pagsasagawa ng Search and Rescue Operations, nakaalalay din ang AFP sa paghahatid ng tulong sa mga kababayang sinalanta gayundin ang pagkakasa ng clearing operations sa mga lugar na apektado ng kalamidad.