Ipinatupad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa pamamagitan ng mga key shelter agencies nito, ang moratorium sa housing loan amortization para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat, Tropical Storm Luis at Typhoon Maymay.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabilis na nakararating ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Saklaw ng moratorium ang mga kwalipikadong miyembro ng National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), alinsunod sa kani-kanilang guidelines na ilalabas.
Samantala, nananatiling available sa mga kwalipikadong miyembro ang Safe Loan ng Pag-IBIG Fund.
Inatasan din ang mga regional office ng DHSUD na makipag-ugnayan sa mga LGU at iba pang ahensya upang matukoy ang pangangailangan sa pabahay ng mga apektadong pamilya, lalo na ang mga nasa malalayo at nasa danger zones.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad at makatulong sa kanilang pagbangon.