Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Martes ang bagong pinuno ng Philippine Army (PA) na bumuo ng isang malakas at matatag na hukbo na may kakayahang ipagtanggol ang soberanya ng bansa at mabilis na makaresponde sa mga kalamidad at sakuna.
Sa kanyang talumpati sa ika-68 Change of Command Ceremony ng Philippine Army sa Lungsod ng Taguig, sinabi ng Pangulo kay Lt. Gen. Donald M. Gumiran, ang bagong Commanding General ng PA, na ang kanyang mga taon ng karanasan, edukasyon, at pagsasanay ang naghanda sa kanya para sa bagong tungkulin.
Nagsimula si Heneral Gumiran bilang isang platoon leader hanggang sa maging komandante ng Western Mindanao Command. Nag-aral din ito sa US Army War College.
“Ipagpatuloy ang misyon. Panatilihin ang matatag na pananagutan ng Army. Manatiling tapat sa ating mga sundalo,” pahayag ni Pangulong Marcos sa bagong Army chief.
“Iniaatas ko sa iyo ang pamumuno habang nagpapatuloy ang transisyon ng Army patungo sa external defense. Bumuo ng isang hukbong may kakayahang protektahan ang ating lupain, suportahan ang mga joint operation, at buong pusong mag-ambag sa pagtatanggol sa ating soberanya at pagpapatibay ng ating territorial integrity,” dagdag pa niya.
Nais din ng Pangulo na panatilihin ni Gumiran ang isang hukbong mabilis maipadala saanman at kailanman kailanganin ng misyon.
“Lalo na ngayon na maraming komunidad ang humaharap sa matitinding pag-ulan ng habagat at iba pang kalamidad. Panatilihing handa ang Army na sumuporta sa mga search, rescue, at relief operations,” wika ng Pangulo.
“Maging handang marating ang mga nakahiwalay na komunidad, dalhin sa ligtas na lugar ang mga pamilya, at tumulong sa paghahatid ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. Kapag tumama ang sakuna, kailangang alam ng ating mamamayan na handang tumulong ang Army.”
Kasabay nito, hiniling din ng Commander-in-Chief kay Gumiran na pangunahan ang Army nang may disiplina at integridad, igalang ang Saligang Batas, at pangalagaan ang tiwala ng mamamayang Pilipino. Binigyang-diin din niya na dapat tiyaking ang bawat yunit at tauhan ng hukbo ay nananatiling nakahanay sa mga pambansang prayoridad sa pagtatanggol.
Higit sa lahat, sinabi ng Pangulo na kailangang alagaan ang mga sundalo. Aniya, bagama’t pwedeng makabaguhan ang mga kagamitan at mapahusay ang mga taktika, ang mga tao pa rin ang nagpapatupad ng misyon at nagbibigay ng halaga sa bawat tagumpay ng hukbo.
Sa pagtatapos, nagpaabot ng pasasalamat ang Pangulo sa mga kalalakihan at kababaihan ng Philippine Army at tiniyak na magpapatuloy ang administrasyon sa pagpapalakas ng kakayahan ng hukbo at sa pagtataguyod ng mga programang mangangalaga sa kapakanan ng mga sundalo at ng kanilang mga pamilya.
“Ibibigay namin sa inyo ang mga kagamitan para sa inyong tungkulin, ang suporta upang magawa ito nang maayos, at ang kumpyansa na ang buong bansa ay nakatayo sa inyong likuran,” pahayag ng Pangulo.
“Sa lahat ng bumubuo ng Hukbong Katihan ng Pilipinas, maraming salamat sa inyong tapang, malasakit, at sakripisyo,” dagdag pa niya.