Balik-bansa na ang pitong tripolante ng Liberian-flagged bulk carrier na MV Emil na tinamaan ng drone strike habang nakadaong sa Port of Odessa sa Ukraine.
Batay sa abiso ng Department of Migrant Workers (DMW), dumating ang mga ito sakay ng Cathay Pacific Airways Flight CX913 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kagabi.
Sinalubong sila ng mga kinatawan ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Manila International Airport Authority (MIAA).
Dito, tumanggap ang mga balik-bayang OFW na ng tulong pinansyal gayundin ay agarang atensyong medikal pagdating nila sa bansa.
Nagbigay din ng karagdagang tulong ang Intercrew Philippines Agency Incorporated sa mga umuwing tripolante.
Inatasan din ng DMW at OWWA ang manning agency na ipa-sailalim sa physical at psychological checks gayundin sa debriefing sessions ang mga umuwing OFW.
Pinaaalalahanan din sila na ibigay ang lahat ng nararapat na benepisyo at kompensasyon na dapat nilag matanggap kaugnay ng kanilang repatriation.
