Naghain ng dalawang magkahiwalay na panukalang batas si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima upang tiyakin ang accessibility ng mga website, mobile apps, at online services para sa Persons with Disabilities (PWDs).
Sa pamamagitan ng House Bill No. 10444, layunin ni De Lima na magtatag ng kauna-unahang batas sa digital accessibility sa bansa.
Samantala, isinusulong naman ng HB 10445 ang pag-amyenda sa Magna Carta for Disabled Persons (RA 7277) upang tiyakin ang karapatan ng PWDs sa impormasyon at pampublikong serbisyo.
Ipinunto ni De Lima na gagamiting batayan ng panukala ang pandaigdigang pamantayan (WCAG 2.2) o Web Content Accessibility Guidelines para sa lahat ng website at digital platform ng gobyerno at pribadong sektor tulad ng mga bangko, e-commerce, paaralan, at ospital.
Magtatalaga din ng ahensyang may kapangyarihang mag-audit at magpataw ng parusa sa mga platapormang hindi tatalima sa pamantayan.
Binigyang-diin ni De Lima na sa patuloy na paglipat ng mga pampublikong serbisyo at negosyo sa digital space, nararapat lamang na maging pantay at walang maiiwan sa lipunan — pisikal man o online.