Umapela ang House prosecution panel sa Senate impeachment court na huwag hayaang maging hadlang ang sub judice rule sa karapatan ng mamamayang Pilipinong maunawaan ang nagaganap sa proseso ng paglilitis.
Inihayag ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos ianunsyo ni Presiding Officer at Senator Francis “Chiz” Escudero na maglalabas ang korte ng desisyon ukol sa mga posibleng paglabag sa sub judice rule ng magkabilang panig sa susunod na linggo, Agosto 17.
Binigyang-diin ni Ridon na mahalagang maipaliwanag sa publiko ang mga teknikal at napakaraming dokumento sa trial upang maunawaan ng taumbayan ang proseso ng hustisya.
Ayon naman kay legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., mayroong probisyon para sa fair and accurate reporting.
Aniya, basta nakabatay lamang ito sa mga ebidensya at testimonya na nailahad ng testigo para maipaliwanag ito ng maigi sa labas ng korte.